Bantay Boto sa Presinto
Mga Kababayan:
Paano natin mababantayan ang ating boto?
Sa antas ng presinto, narito ang mga mahahalagang paalala at pamaraan ng pagmamatyag:
1. Siguruhing ang Pinuno ng BEI ay nakatalikod sa mga watcher habang binabasa niya ang bawat balota.
2. Siguruhing ang pagtatala ng mga boto sa Election Returns ng Poll Clerk at sa Tally Board ng Pangatlong Kasapi ng BEI ay nakikita hindi lamang ng mga watcher kundi maging ng mga tao sa labas ng presinto.
Ang mga balota ay babasahin isa isa galing sa bungkos na tig-iisandaan. Habang binabasa ang bawat boto, ang poll clerk at ang pangatlong kasapi ay magkasabay na itatala ang boto sa Election Return at sa Tally Board. Ang pagtatala ay gagawin sa pamamagitan ng patayong guhit sa bawat boto at pahilis na guhit sa bawat panlimang boto.
3. Dahil karaniwang sa gabi ginaganap ang pagbibilang ng mga boto, siguruhing maliwanag sa mga presinto. Maghanda ng mga ilaw na magagamit sakaling magka brown-out.
4. Pagkatapos ng bilangan, siguruhing nasuma ang mga boto nang tama at eksakto batay sa mga natalang boto.
5. Kunin ang numero ng mga sumusunod:
a. Election Returns
b. Selyo para sa Ballot Box.
6. Hintaying matapos ng BEI ang pagfill-up ng mga Election Returns at Certificates of Votes. Huwag iwanan ang presinto hanggang hindi umaalis ang mga kasapi ng BEI para dalhin ang Election Returns sa munisipyo o city hall.
7. Kopyahin ang resulta sa inyong presinto. Kunin ang boto ng bawat kandidato at sumahin din ang boto ng lahat ng kandidato sa bawat posisyon para may maihahambing sa tala ng boto sa antas ng munisipyo o lunsod.
Ang suma total ng boto sa bawat posisyon ay mahalaga para sa pagtatasa ng mga boto sa sunod na antas ng bilangan.
Ito ang mga hakbang upang mabantayan ang ating mga boto sa antas ng presinto. Sa susunod, isusulat ko ang tungkol sa pangangalaga sa ating mga boto sa antas ng bilangan sa munisipyo/lunsod/ probinsya.
Nawa'y makatulong ito sa ating lahat.
Para sa malinis at marangal na halalan,
Dan Adan

0 Comments:
Post a Comment
<< Home