Pangalagaan ang Sambayanan! Ipagtanggol ang Republika!
Magluksa ka sambayanan!
Sana nga, nagluluksa ang bayan o di kaya’y nagpupuyos sa galit dahil sa resulta ng imbestigasyong isinagawa ng Ombudsman sa anomalyang kakabit sa modernisasyon ng halalan at pagbili ng mga 'automated counting machines'.. Ngunit alam kong ito’y pangangarap lamang dahil ang saklaw ng kamalayang politikal ay kasalunga ng saklaw ng kahirapan.
At dahil ayokong mangarap na lamang, hayaan ninyong ilahad ko ang mga katotohanang tinanglawan sa pagbaba ng kapasyahan ng Ombudsman.
Magbunyi kayo, mga mamamayan ng Republika! Pagmasdan n’yong tumatayog ang republika kahit pa nag-iingay ang oposisyon.
Tama, isang bagong republika ang sumisibol. Isang republikang ang makapangyarihang mamamayan ang siyang komokontrol sa mga institusyong demokratiko. Nabubuo na ang matatag na republika, paisa-isang hakbang, sa pamamaraang walang-mintis. Lahat ng mahahalagang institusyon ay sumusuporta sa Palasyo, ang sentro ng matatag ng republika.
Ipinakita sa atin ng iskandalo ni Garci ang COMELEC na maayos na naglilingkod sa republika. Walang reklamo ng pagpapatanggal sa mga opisyal ang uusad sa Kongreso dahil mataman nitong pinangangalagaan ang interes ng republika. Ang mga bukirin ay dinidilig ng dugo ng sinumang magtangkang sumuwag sa mga naghahari. At hindi kailangan ng pulis at militar na kumilos dahil lahat ng walang pakundangang pagpaslang ay kagagawan ng mga rebelde.
At ngayon, nakita natin ang Ombudsman, ang tagausig, na kayang gumawa ng mga kababalaghang legal upang pangalagaan ang mga mamamayan ng matatag na republika at maipagtanggol ang mga naghahari laban sa mapanirang pag-uusig ng mga taong nagnanais sirain ang puri, dangal at malinis na pangalan ng mga kagalang-galang na pinuno.
Ang sinumang sasalungat sa Republika ay kailangang panagutin sa ipinapataw na marahas na kaparusahan ng batas. Ibigay sa mga tumatangkilik sa republika ang pinakamalalaking kontrata ng pamahalaan. Ito ang prinsipyong umiiral sa puso at isip ng mga mamamayan nitong bagong republika. Ito ang nagbibigkis at nagpapatatag sa mga institusyon at nagsisigurong ang buong makinarya ng pamahalaan ay gumagana para sa mga mamamayan.
Kaya bakit pa magdududa sa kapasyahan ng Ombudsman samantalang pinapangalagaan lamang nito ang MGA tao ni GMA at ipinagtatanggol ang kanyang matatag na Republika?
O ano, papalag ka?

0 Comments:
Post a Comment
<< Home